No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Bagong branch extension ng Philippine Red Cross, binuksan sa Lipa City

LIPA CITY, Batangas (PIA) — Binuksan kamakailan ng Philippine Red Cross (PRC) ang bago nitong branch extension na gusali na matatagpuan sa Barangay Sabang, Lipa City.
 
Sa mensahe ni PRC Chairman and CEO Dick Gordon, sinabi nito na ang naturang pasilidad ay isang simbolo ng karagdagang pag-asa para sa lahat at isang patunay sa walang humpay na serbisyong ipinagkakaloob ng PRC katuwang ang mga stakeholders na umaagapay dito upang makapagbigay ng mas maayos at epektibong makataong serbisyo sa mga nangangailangan.
 
“Noong nakaraang taon, nasa 60%  ng suplay ng dugo sa bansa ay nagmula sa PRC at sa taong ito ay target ng samahan ang 70% na suplay nito.  Malaking tulong ang naturang extension building upang mas marami angmabigyan ng dugo at matulungan sa pamamagitan ng iba pang programa ng PRC”, ani Gordon.
 
Ayon kay Lipa Branch Council Dr. Katigbak, ang pagsasakatuparan ng karagdagang pasilidad ay matagal ng pangarap ng dating Council head nito na si G. Manuel Katigbak na namayapa noong nakaraang taon ngunit naisakatuparan sa tulong ng iba pang katuwang sa pagtataguyod nito tulad ng Rotary Club of Lipa, R.D. Sanchez Construction, JT Moland Realty Development Corporation at ERRM Architectural Design Services.
 
Sa huli, hinikayat ni Gordon ang lahat na magtulungan para mas magandang serbisyo pa ng PRC bagamat pinuri nito ang maayos at magandang pamamalakad ng Red Cross Batangas sa kanilang mga programa bukod sa mga blood services program nito.
 
Aniya, patuloy nilang isusulong ang kusang loob na pagtulong sa lahat ng nangangailangan sa lahat ng panahon.


Pinangunahan ni Rev. Fr. Joseph Rodem Ramos ang pagbabasbas sa naturang extension facility na sinaksihan nina PRC Chairman and CEO Richard Gordon, PRC Secretary General Gwebdolyn Pang, Chairman,PRC Batangas  Chapter Lipa Branch Council Dr. Ma. Lourdes Katigbak, PRC Batangas Chapter Chairman Honesto Babasa; PRC Batangas Chapter Vice Chairman Engr. Vicente Ramos, G. Robert Ryan Macasaet ng ERRM  Architecture and Services;Engr. Raul Montealto-President JT Moland Realty Development; Engr. Rosalino Sanchez-General Manager RD Sanchez Construction at Gov. William Pastor Delloro Jr.,District Governor Rotary Club D3820. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
 
 

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch