No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

15 mga barangay sa San Jose, sumabak sa Barangay Fire Olympics ng BFP

Sumabak ang 15 barangay ng San Jose sa Barangay Fire Olympics, isang kumpetisyon na sumusukat sa kakayahan ng mga kasapi ng Community Fire Auxialliary Group sa pag-apula ng sunog. Ang mga larawan ay mula sa Bureau of Fire Protection San Jose.

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Sumabak kamakailan ang 15 barangay ng bayang ito sa Barangay Fire Olympics na ginanap sa San Jose Pilot Elementary School.

Ang Barangay Fire Olympics ay paraan ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang makita ang kakayahan at kasanayan ng mga kasapi ng Community Fire Auxiliary Group (CFAG) na tumulong sa mga bumbero sa pagresponde sa mga insidente ng sunog. 

Ang CFAG ay binubuo ng mga opisyal, tanod at mga volunteers at itinatag sa mga barangay bunsod na rin ng limitadong bilang ng mga bumbero kumpara sa populasyon ng bayan.

Ayon sa BFP, pangkalahatang kampeon ng Fire Olympics ang Brgy. Bagong Sikat sa pangunguna ni Punong Barangay Abelardo Sunga. Pumangalawa ang Brgy. Camburay at sumunod ang Brgy. Mabini. Ang iba pang lumahok na barangay ay ang Mapaya, Labangan Iling, La Curva, Magbay, Ambulong, Murtha, Poblacion III, Bubog, Labangan Poblacion, Bayotbot, Mangarin, Ansiray, Pawican, at Naibuan. Nagtagisan ng galing ang mga kalahok sa bucket relay, fire extinguisher relay at straight hose connection.

Ayon kay BFP Senior Officer Norly Santos, sa mga nasabing event ay namalas ang iba’t ibang kaalaman na dapat ay tukoy ng mga CFAG. Aniya, may mga pagkakataong hindi agad makakaresponde ang BFP dulot ng iba’t ibang kadahilanan at ang CFAG ng barangay ang inaasahang tumugon. “Lalo na ang ating mga barangay sa isla, dahil sa lokasyon nila, imposible sa BFP na marating sila kapag may sunog,” ayon pa kay Santos.

Ipinaliwanag din ni Santos na hindi lamang basta kumpetisyon ang taunang Fire Olympics, “isa ito sa mga aktibidad ng BFP tuwing Fire Prevention Month na nagbibigay pagkakataon sa ating mga CFAG sa San Jose na magkasama-sama, magkaroon ng camaraderie, at muling makita ang mga skills na itinuro ng San Jose Fire Department sa ilalim ng programang Oplan Ligtas sa Pamayanan.”

Ayon pa rin kay Santos, ang itinuro ng BFP sa CFAG ay isa lamang sa mga serbisyo na maipagkakaloob ng mga naglilingkod sa kanilang barangay. Umaasa si Santos na ang kaalamang kanilang ibinahagi sa mga CFAG ay patuloy na hinahasa upang maging laging handa sa pagtulong na sumagip ng bahay at buhay. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch