No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

SSS, naghain ng show cause order sa 20 establisyemento sa Puerto Galera

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Dalawang araw ang inilaan ng Social Security System (SSS) para personal na ihain ang show cause orders sa 20 namamahala ng mga establisyemento sa bayan ng Puerto Galera dahil sa hindi pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado sa isinagawang "Run After Contribution Evaders" (RACE) kamakailan.

Ang mga nakatanggap ng order na ito mula sa SSS ay ang mga namamahala ng supermarket, kainan, resto bar at resort sa mga barangay ng Poblacion, Muelle at Sto. Niño, gayundin sa iba’t ibang establisyemento sa White Beach sa Barangay San Isidro.

Inihain ni Atty. Alejandre T. Diaz (naka face mask), Acting Head, Luzon South 2 Division ng Social Security System o SSS ang Show Cause Order sa mga namamahala ng establisyimento dahil sa hindi pagbabayad ng kontribusyon ng mga empleyado sa isinagawang programa na Run After Contribution Evaders (RACE) kamakailan sa bayan ng Puerto Galera. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)

Ayon kay acting head Atty. Alejandre T. Diaz sa isinagawang press briefing, ang paghahain ng show cause order ay isang paalala sa mga employers na gampanan ang kanilang mga obligasyon sa ahensya.

“Ang programang RACE ng SSS ay paalala sa mga employers tungkol sa kanilang obligasyon sa paghuhulog ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado. Binibigyan lamang namin sila ng 15 araw para makipag-usap at ayusin ang kanilang obligasyon at kung hindi pa rin sila tutugon sa aming palugit o makipag-usap sa amin ay ipapasa na namin ang mga dokumento sa aming legal department para sa legal action,” saad ni Diaz.

Samantala, ipinahayag naman ni Atty. Noel R. Paperes na ang paglabag sa batas ay may kaukulang parusa na pagkakulong ng hindi bababa sa anim na buwan at isang araw hanggang 12 taon at pagbabayad ng P5,000-P20,000.

Ang parusang ito ay ipapataw sakaling mapatunayan ang kanilang paglabag sa hindi pag-remit ng mga kontribusyon ng kanilang mga empleyado at hindi pagtugon sa iba pang nakasaad sa nasabing batas ay magreresulta sa pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na taon o 12 taon na may kaakibat na multa, depende na rin sa ipapataw ng hukuman.

Ayon naman kay SSS Calapan branch head Imelda Familaran, nasa 120 establisyemento ang nakatakda nilang puntahan ngayong taon sa buong lalawigan na kung saan sampung tanggapan bawat buwan ang kanilang bibisitahin para mapadalhan ng nasabing utos. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch