No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Occidental Mindoro former rebels, tumanggap ng tulong mula sa pamahalaan

Sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno, tumanggap ng livelihood at immediate assistance ang mga dating aktibong kasapi ng Communist Terrorist Group na nagbalik-loob sa pamahalaan. Ang mga larawan ay mula sa 76th IB ng Philippine Army.

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Pinagkalooban kamakailan ng cash assistance ang apat na Former Rebels (FR) na nagpahayag ng kanilang pagbabalik-suporta sa pamahalaan.

Sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno, tatlo sa mga FR na dating aktibong kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) ay tumanggap ng P65,000 bawat isa.

Ang P50,000 dito ay livelihood assistance na magagamit sa anumang nais na hanapbuhay o pagkakakitaan ng FR; ang natitirang P15,000 ay immediate assistance at maaaring magamit sa anumang pangangailangan ng benepisyaryo.

“Ang isa pang sumuko ay kasapi ng Militia ng Bayan at tumanggap siya ng immediate assistance o halagang P15,000,” saad ni Rosalina Lamoca, opisyal ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ipinaliwanag ni Lamoca na hindi natatapos sa pamamahagi ng nabanggit na tulong-pinansyal ang pagtulong sa mga FR. Aniya, mas mainam kung mabibigyan ng educational assistance ang mga anak ng FR at magagabayan ang mga ito sa kanilang napiling ikabubuhay.

“May mga partner agencies tayo na katuwang sa pagtulong sa mga FR. Hiling lang natin na sana ay ilagay din nila sa kanilang priority programs ang pagtulong sa mga FR,” ayon pa sa opisyal ng PSWDO.

Sa kamakailang pulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) ay napagkasunduan ng mga kasapi ng PPOC na irekomenda sa Sangguniang Panlalawigan (LGU) na maglaan ng akmang pondo para sa reintegration program ng mga FR.

Sinabi ni Lamoca na sakaling aprubahan ito ng SP, may aasahan na karagdagang ayuda ang mga FR sakaling kailanganin ito. Ayon pa sa opisyal, nararapat ang mas mahabang paggabay sa mga FR dahil hindi madali ang gagawin nilang pagbabagong buhay, lalo na’t ang layon ng E-CLIP ay ibalik sila bilang responsableng mamamayan. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch