No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Piso Caravan ng Bangko Sentral, gaganapin sa La Union

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Marso 19 (PIA) -- Ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), katuwang ang La Union Banker’s Association, ay magsasagawa ng Piso Caravan sa siyudad na ito sa darating na Marso 21-22.


Ayon sa BSP, layunin ng aktibidad na bigyan ng pagkakataon ang publiko na ipapalit ng bagong pera ang mga hawak nilang marurumi o sira-sirang salapi, at nang sa gayon ay maalis na rin ito sa sirkulasyon.


Ang inisyatibo ay parte ng pagpapalawig ng BSP Coin Recirculation Program at ng BSP Clean Note and Coin Policy.


Ayon kay Bank Officer V Marian Patosa ng BSP North Luzon Regional Office, gaganapin ang nasabing caravan sa dalawang lugar sa siyudad. Uunahin itong gaganapin sa Rang-Ay Bank Main Branch, sa kahabaan ng kalye ng Governor Luna sa Marso 21 mula 8:00 ng umaga hanggang 3:30 ng hapon. 


Sunod naman ay sa bandang harapan ng St. William Cathedral sa Kalye Gomez sa darating na Marso 22 kung saan pwedeng magpapalit mula 9:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon. 


“Maaaring dalhin ang inyong mga “unfit” at “mutilated” na perang papel at barya para mapalitan ito ng malinis at maayos na salapi o ng e-money,” ani Patosa. 


Ang mga salapi na may labis na pagkalukot, kupas na imprenta, o mantsa ay tinuturing na “unfit” ng BSP habang ang mga salapi na may punit, butas o iba pang sira ay tinatawag na “mutilated”.


Para sa karagdagang mga impormasyon patungkol sa mga perang maaaring mapalitan sa Piso Caravan ay bisitahin lamang ang opisyal na Facebook Page ng BSP o panoorin sa link na ito: https://bit.ly/PC-AcceptedMoney. (JCR/MJTAB/CGC, PIA Region 1)


About the Author

Caren Grace Cabanayan-Carbonell

Information Officer II

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch