No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

LTFRB-Mimaropa, nagsagawa ng Transport Modernization Information Drive sa Palawan

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Nagsagawa kamakailan sa lalawigan ng Palawan ng Public Transportation Modernization Program (PTMP) Information Drive and Transport Forum ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng rehiyong Mimaropa.

Dumalo sa aktibidad ang nasa 58 kinatawan na kabilang sa iba’t ibang transport groups ng Public Utility Jeepneys (PUJ), Public Utility Vehicles (PUV) at Filcab sa Palawan kung saan ipinaliwanag nina Transport Development Officer II Lemuel John Silva at Alexander Foja mula sa LTFRB-Mimaropa ang mga batas, pagbabago at proseso ng programa.

Tinalakay din ang mahahalagang components ng PTMP na kinabibilangan ng Regulatory Reform, LGU Local Public Transport Route Planning (LPTRP), Route Rationalization, Fleet Modernization, Industry Consolidation, Financing PUV Modernization, Vehicle Useful Life Program, Stakeholder Support Mechanism, Initial Implementation at Communications.

Aktibong nakiisa ang mga kitawan ng transport group sa Palawan sa ininagawang Public Transport Modernization Orientation ng LTFRB-MIMAROPA kamakailan. (Larawan mula sa PIO-Palawan)

Ayon sa LTFRB, ang Industry Consolidation ang mahalagang component ng PTMP kung saan binubuo rito ang mga maliliit na transport industry players para sa pagbuo ng legal entity gaya ng korporasyon o kooperatiba.

Sinabi naman ni Silva na pinalawig hanggang sa Abril 30, 2024 ang Provincial Authority (PA) ng mga Individual Operators.

Sa pamamagitan aniya ng pagpapalawig ng Provincial Authority, ang mga rutang mayroong mas nakararaming indibidwal na operators ngunit hindi bababa sa minimum na 15 ay pinapayagang sumali o mag-consolidate bilang isang kooperatiba o korporasyon hanggang sa katapusan ng Abril.

Para naman sa mga rutang hindi pa nasasailalim sa isang approved LPTRP, ang pag-file ng consolidation ng bagong Transport Service Entity (TSE) ay papayagan kung ang bilang ng mga indibidwal na operators ay hindi bababa sa 40% ng kabuuang bilang ng mga Authorized Units sa ruta.

Sa tala ng LTFRB-MIMAROPA, 79 porsiyento pa lamang ng transport group sa Palawan ang nakapag-consolidate na.

Katuwang naman sa nasabing aktibidad ang Provincial Planning and Development Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch