No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Oriental Mindoro, handa na sa dagsa ng pasahero ngayong semana santa

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Kasado na ang mga hakbanging ipatutupad ng mg kawani ng Philippine Ports Authority (PPA), Port Management Office Oriental Mindoro sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong semana santa.

Sa panayam ng PIA Oriental Mindoro kay PMO media relations officer Niko Acedera, sinabi nito na nakahanda na ang pamunuan sa mga ipatutupad na hakbang upang maiwasan ang aberya sa pagdating at pagluwas ng mga tao sa lalawigan.

“Kasama namin ang Department of Transportation at iba pang transportation agencies para ipatupad ang Oplan Biyaheng Ayos, Semana Santa 2024 na ang layunin ng programang ay mabigyan ng ligtas at matiwasay na paglalakbay mula sa pampublikong pantalan, terminal at mga paliparan," saad ni Acedera.

Dagdag pa ni Acedera, kaya na ng bago at modernong tatlong-palapag na pantalan ng Calapan ang mag lulan na 3,500 pasahero na kung saan magiging komportable ang mga mananakay ng barko dahil sa mga pasilidad lalo na sa mga may kapansanan at senior citizens gayundin ang mga benepisyo ng libreng terminal fee sa mga PWDs, senior citizens, estudyante at mga unipormadong kawani ng mga nagpapatupad ng katahimikan at kaayusan sa bansa.

Mayroon din malaking monitor sa pantalan kung saan makikita ang schedule ng pag-alis at pag dating ng mga barko, mga karatula na nakasaad ang lugar ng paghihintay ng mga pasahero at mga gumaganang elevators at ramps para sa mga may kapansanan at komportable na rin ang mga tutubos ng ticket dahil nasa loob na ng pantalan ang bilihan nito.

Pansamantala rin ipatutupad ang 'no booking policy' para sa mga sasakyan at rolling cargoes at pag-alis ng mga barko kahit hindi pa nito oras umalis kapag puno na ng pasahero.

“Sa darating na Biyernes Santo ay mayroon na ring dalawang kumpanya ng barko ang bibiyahe, hindi tulad ng mga nakaraang taon, isang fastcraft at fastcat ay mayroong dalawang biyahe, ngunit pagsapit ng Sabado at sa mga susunod na araw ay balik normal na ang oras ng biyahe ng lahat ng barko na may 46 na biyahe sa isang araw,” sinabi ni Acedera. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch