LUCENA CITY (PIA) -- Palalakasin ng Quezon Provincial Council on Disability Affairs (PCDA) ang mga programa upang higit na matugunan ng mga taong may kapansanan sa lalawigan ng Quezon ang kanilang mga pangangailangan.
Ito ang isa sa mga paksang tinalakay ng PCDA sa kanilang pagpupulong kamakailan na pinangunahan nina Provincial Board Member Vinnette Alcala Naca at Sangguniang Panlalawigan-Committee Chair on Social Welfare at Provincial Administrator Manuel Butardo.
Ayon kay Butardo, ang kagalingang pangkalusugan sa hanay ng mga taong may kapansanan o vulnerable sector ay mahalaga sa puso ni Quezon Governor Doktora Angelina Tan.
“Magkakaroon na po ng opisina para sa mga disabled person na siyang tutugon sa kanilang mga pangangailangan” sabi pa ni Butardo
Bukod dito, magkakaroon din ng Social Welfare Desk sa mga barangay na siyang tututok sa mga problema at pangangailangan ng mga may kapansanan.
Samantala, nabatid din sa pulong na may kabuoang bilang na 22,869 na naitala na mga taong may kapansanan sa buong lalawigan ng Quezon hanggang noong Marso 20, 2024.
Kabilang din sa mga programang isasagawa ng konseho ay ang pagkakaroon ng action plan o planning workshop na siya ring tututok sa mga programa para sa mga taong may kapansanan sa lalawigan at ang pagsasagawa ng accessibility audit sa mga bayan at mga tanggapan sa lalawigan ng Quezon.
Bukod dito, isasagawa naman sa susunod na taon (2025) ang “Search for Persons with Disability-Friendly Municipality" na may kinalaman din sa pagpapatupad ng maayos na programa o serbisyo ng mga lokal na pamahalaan para sa mga may kapansanan. (Ruel Orinday- PIA Quezon)