No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Saranggolahan, nilahukan ng mga kabataang Mindoreño

Daan-daang Naujeño at mga turista mula sa ibang panig ng lalawigan ang sumaksi sa isinagawang THE BEST Saranggolahan sa bayan ng Naujan ngayong taon, bilang hudyat ng pagsisimula ng summer season sa naturang bayan. (Larawan mula sa Naujan Information Office)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Tampok sa isinagawang taunang 'Saranggolahan' sa bayan ng Naujan noong Marso 31 ang mga kabataang Mindoreño upang magpamalas ng talento sa paggawa at pagpapalipad ng saranggola.

Ang naturang gawain ay nagsilbi ring hudyat ng pagsisimula ng bakasyon ng mga mag-aaral kung saan kadalasang dinarayo ng mga turista dahil sa magagandang atraksyon at kultura sa bayan ng Naujan.

Pinangunahan ni Mayor Henry Joel Teves, katuwang ang Municipal Tourism Office ang gawain sa Provincial Sports Complex, Barangay Santiago, Naujan, Oriental Mindoro.

Ang tema ng gawain ay ang paggawa ng mga saranggola na hango sa mga sikat na anime characters upang maengganyo ang mga kabataan na nilahukan ng nasa 17 na indibidwal.

Nauwi ang halagang P20,000 ni Roben Abes na syang may likha ng saranggola na 'Ultraman' na nakakuha ng unang pwesto. Sinundan naman ito ng obra ni Nickol John Gillado kung saan nauwi niya ang P15,000 na may temang anime na 'Naruto'. Nasa ikatlong pwesto naman ang saranggola na 'Piccolo' ni Mark Francis Fajardo na nakakuha ng P10,000. Samantala, tumanggap naman ng tig-P2,000 bilang konsolasyon sa mga kalahok na hindi nanalo sa kompetisyon.

Naniniwala ang pamahalaang bayan ng Naujan na sa ganitong mga gawain ay higit na mas naipapakita ang galing at talento ng mga kabataan gayundin ang posibilidad na higit na maipakilala pa ng lubusan ang bayan ng Naujan sa mga turista na dumadayo sa lalawigan ng Oriental Mindoro (JJGS/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch