No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pinsala ng El Niño sa agrikultura sa San Jose, umabot sa halos P450-M

Hawak ni Municipal Agriculturist Rommel Calingasan ang datos na naglalaman ng pinsala sa Agrikutura ng bayan ng San Jose dulot ng tagtuyot. (VND/OccMDo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Umabot na sa P449, 536,763 ang halaga ng pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura sa bayan ng San Jose, ayon sa Municipal Agriculture Office (MAO).

Sa ibinahaging datos ng MAO, pinakamalaking pinsala ang tinamo ng sibuyas na nagkakahalaga ng P371,391,750; sumunod ang palay na umabot sa P75,397,613; halos dalawang milyon ang halaga ng mga naapektuhang mais; at nasa P871,500 ang halaga ng nasirang seaweeds. Bukod sa pinsalang hatid ng tagtuyot, problema rin sa kasalukuyan ng nasabing bayan ang patuloy na pagdami ng army worms o harabas.

Paliwanag ni San Jose municipal agriculturist Romel Calingasan, dahil sa nararanasang matinding init dulot ng El Niño ay posibleng nagkaroon na ng resistance ang nasabing mga peste.

“Ang mainit na panahon ay kondisyon na favorable sa pagdami ng mga harabas,” saad ni Calingasan.

Umaasa naman si Calingasan na hindi na makakapaminsala ang nasabing mga peste sa kasunod na taniman. Aniya, ang kasunod na cropping season ay magiging maulan at malamig na hindi mainam sa nasabing mga peste.

“Dahil malamig posibleng hindi mapisa ang mga itlog ng harabas at tuluyang mamatay habang nasa pupal stage,” paglalahad ni Calingasan.

Samantala, naniniwala si Calingasan na may posibleng solusyon sa problema ng mga magsasaka ngayong umiiral ang El Niño-- ang panukala ng Department of Agriculture na baguhin na ang panahon ng pagtatanim. Matagal na aniya itong ipinanukala ng Kagawaran subalit iilang magsasaka pa lamang ang gumagawa nito.

“Kung nakasanayan na ng mga magsasaka ang magtanim ng Enero, ililipat na ang pagtatanim na ito sa Disyembre,” pagbibigay-halimbawa ni Calingasan. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch