No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

520 pamilya sa Palawan, nagtapos na sa 4Ps

Iilan lamang sa mga pamilyang nagtapos sa 4Ps ng DSWD mula sa bayan ng Linapacan. (Litrato mula sa DSWD Mimaropa)

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Sa ulat ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) Mimaropa, nasa 520 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Palawan ang nagtapos na kamakailan sa pamamagitan ng Pugay sa Tagumpay graduation rites.

Kabilang sa mga nagtapos ay ang 23 benepisyaryo mula sa bayan ng Linapacan, 179 naman mula sa bayan ng San Vicente, 70 sa lungsod ng Puerto Princesa, 140 mula sa bayan ng Roxas, 23 sa bayan ng Taytay, 17 sa bayan ng Dumaran, 19 sa bayan ng El Nido at 49 sa bayan ng Bataraza.

Kasabay ng pagbibigay-pugay ay nakatanggap rin ang bawat sambahayang-benepisyaryo ng food packs at mga seedlings mula sa lokal na pamahalaan.

Ang mga nasabing pamilya ay naging benepisyaryo ng 4Ps sa loob ng humigi’t kumulang 11 taon kung saan sila ay nakapagpatapos na rin ng kanilang mga anak sa kolehiyo. 

“Ang 4Ps ang naging kaagapay ko sa loob ng 11 years, may dalawang hakbang na akong nalampasan. Ang una ay ang makatapos ang mga anak ko sa elementarya at sumunod ay sa high school. Ibig sabihin, bago kami lumabas sa 4Ps, nakakataba ng puso na isang hakbang na lang at totoong makakamit na namin ang tagumpay,” pahayag ng isa sa mga nagtapos sa programa na si Lodie Diaz Caseri mula sa Bataraza.

Pinangunahan ni DSWD regional program coordinator Reji A. Pancho ang pormal na pag-endorso sa mga nagsipagtapos.

Ayon kay Pancho, ipinagmamalaki ng programa ang mga kabataang nagsipagtapos na sa kolehiyo at nakakuha ng kahanga-hangang karangalan, katulad na lamang ng mga topnotchers sa mga nagdaang board examinations na karamihan ay nagmula sa nasabing probinsya.

Sa bayan naman ng Brooke’s Point, ang mga pamilyang nagtapos sa programa ay bibigyan naman ng tulong puhunan sa ilalim ng Livelihood Assistance Program (LAP).

“’Wag tayong matungkot, bagkus, maging masaya tayo sapagkat pinalaya na tayo ng 4Ps dahil nakita nila na kaya na natin," pahayag naman ni Rosela Manar Labitoria, isa sa mga nagtapos na benepisyaryo mula sa Bataraza. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch