No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Buntis Summit, isinagawa sa Brooke’s Point sa Palawan

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Pinangunahan ng Municipal Health Office (MHO) ng pamahalaang lokal sa bayan ng Brooke’s Point ang Buntis Summit na may temang “Alalay kay Nanay at Beybi: Kaalaman, Kalusugan, Kaligtasan.”

Isinagawa ito sa Barangay Barong-Barong noong Abril 5, 2024, kung saan pangunahing layunin nito na mapangalagaan ang mga inang buntis.

Tinalakay sa programang ito ng kawani mula sa MHO ang hinggil sa importansya ng mga laboratory examinations, dental check-ups, at pre-natal check-ups, at ang mga posibleng komplikasyon habang nagbubuntis at tuwing nanganganak, gayundin ang nutrition, breastfeeding at family planning at immunization na lubhang makakatulong sa mga inang buntis.

“Patuloy kayong magpakonsulta sa doktor dahil dito nagsisimula ang pagpaparamdam ng pagmamahal ng isang ina sa kaniyang anak,” mensahe ni sangguniang bayan committee on health chairman Richard Balean sa mga inang dumalo sa Buntis Summit.

Ayon kay Balean, ang lokal na pamahalaan ay handang tumulong para sa ikabubuti ng mga buntis na ina at batang nasa kanilang sinapupunan.

Napakaraming benepisyo at pribilehiyo naman ang inihanda ng MHO para lang mahikayat ang mga ina na regular na magpa-checkup upang matiyak ang kaligtasan ng ina at sanggol.

Patuloy ang pamahalaang lokal sa pagbibigay ng serbisyo bilang pag-suporta sa sektor ng kalusugan para sa mga mamamayan ng Brooke’s Point. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch