No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOT, pinasinayaan ang Tourist Rest Area sa Roxas, Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Pinasinayaan na ang Tourist Rest Area (TRA) na itinayo ng Department of Tourism (DOT) sa Brgy. San Nicolas sa bayan ng Roxas nito lamang Abril 12, 2024.

Pinangunahan ito ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco katuwang sina Palawan 1st District Board Member Roseller Pineda bilang kinatawan ni Gov. Victorino Dennis M. Socrates, Roxas Mayor Dennis M. Sabando, kinatawan ng Palawan 1st Congressional Ditrict na si Jose Fernando Escalante, mga opisyales ng DOT at Roxas-LGU.

Ayon sa DOT, ang TRA sa Roxas ay ang ika-walo sa first batch na binubuo ng sampung TRA na itinatayo sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Matatandaan na isinagawa ang groundbreaking nito noong Pebrero 17, 2023 kung saan katuwang ng DOT sa pagtatayo nito ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).

Pagkatapos nang pagpapasinaya ay agad ring isinalin ng DOT sa lokal na pamahalaang bayan ng Roxas ang nasabing proyekto dahil ang lokal na pamahalaang bayan ng Roxas ang siyang mangangasiwa sa operation and maintenance nito.

Ang inagurasyon ng Tourist Rest Area (TRA) sa bayan ng Roxas sa pangunguna ni DOT Secretary Christina Garica Frasco nito lamang Abril 12, 2024. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)
Ang pagsasalin ng pamamahala ng TRA sa lokal na pamahalaang Bayan ng Roxas kung saan masaya itong tinanggap ni Mayor Dennis Sabando mula kay DOT Sec. Frasco. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ang TRA ang magsisilbing stop-over ng mga turistang tutungo o manggagaling sa mga tourist destinations sa bahaging norte ng lalawigan partikular na sa mga bayan ng San Vicente, Taytay, El Nido, at iba pang karatig na munisipyo na nangangailangan ng palikuran.

Nakapaloob sa gusaling ito ang maganda at malinis na comform rooms, information center, charging stations at pasalubong center na ang magbebenipisyo ay ang mga small and medium enterprises.

Ayon kay Frasco, ang TRA ang tugon sa kakulangan ng comfort rooms para sa mga turista.

“Under a survey that was conducted by the DOT, apparently, ‘yon talaga ‘yong number 1 na concern ng ating mga turista, umiikot kami sa Pilipinas... walang CR,” saad ni Frasco.

Sinabi pa ni Frasco na importante ang project na ito para lalo pang ma-boost ang tourism potential ng bayan ng Roxas, maging ng mga karatig-munisipyo nito, gayundin ang buong lalawigan ng Palawan.

“Because what the TRA does, it sends the message to our tourists na mahal natin sila... na sa isip natin ‘yong comfort and convenience nila at nais natin na ‘yong journey nila across your beautiful island of Palawan is comfortable, memorable and of course 'pag naiihi sila may magandang CR, di ba?” ani Frasco.

Layon din aniya ng proyekto na siguraduhing maisasakatuparan ang isa sa mga hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin pa ang kabuuan ng Philippine Tourism Experience.

Ayon kay ni Sec. Frasco, ang TRA ang tugon sa kakulangan ng CR para sa mga turista sa bansa. (Larawan mula sa PIO-Palawan)
Ang Tourist Rest Area (TRA) na matatagpuan sa Brgy. San Nicolas, Roxas, Palawan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

“Kasi po ‘yong direktiba ng Presidente sa akin, we have to enhance the over-all tourist experience so that our tourist will enjoy their stay-- they will stay over and they will come back again. Nais po talaga natin na makatulong po ‘yong national government sa ating mga local government units and that is why I am here to remind you that you are not alone in your aspiration for tourism. Nandito lang po ang Department of Tourism pati na rin po ‘yong Marcos Administration sa pagsuporta sa ating mga local government units sa pamamagitan ng infrastructure and other tourism prime development projects gaya ng Philippine Experience,” pagtatapos ni Frasco.

Inanunsiyo din nito na magtatayo na rin ng TRA ang DOT sa bayan ng Brooke’s Point at hinimok nito ang mga alkalde ng Palawan ng magsumite ng kanilang kahilingan sa DOT para sa kahalintulad ng proyekto. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch