No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga residente sa Batangas City pinag-iingat laban sa pertussis

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Pinag-iingat ngayon ng Batangas City Health Office ang publiko laban sa nakakahawang sakit na pertussis o whooping cough.
 
Ayon kay City Health Office Medical Officer IV at Medical Program Manager ng National Immunization Program Dr. Riah Concepcion Aguda, ang pertussis o whooping cough ay isang nakakahawang sakit na sanhi ng Bordetella pertussis bacteria.
 
Ang ubong ito ay maaaring tumagal ng ilang linggo o higit pa at kumakalat sa pamamagitan ng respiratory droplets o patak na nagmumula sa ubo o bahing ng isang taong may impeksyon.
 
Karaniwang tinatamaan ng pertussis ang mga sanggol na wala pang isang taong gulang at ilan sa mga sintomas ng sakit na ito ang pagkakaroon ng lagnat,sipon,ubo at pagbahing na may kasamang mahangin na tunog at hirap sa paghinga.
 
Ayon kay Aguda, ang sinumang tao na makakaranas ng naturang kundisyon ay kailangang agad na kumonsulta sa doctor para malapatan ng lunas.
 
“Napakahalaga ng pagkakaroon ng bakuna  laban sa Diphteria Tetanus Pertussis (DTap) sa mga sanggol at ito ay libreng ipinagkakaloob ng City Health Office. Ilan din sa mga pamamaraan upang maiwasan ang pagkalat o pagkakaroon ng naturang sakit ang madalas na paghuhugas ng kamay, pagsunod sa tamang etiquette sa pag-ubo tulad ng pagtatakip ng bibig kapag umuubo,"  ani Aguda.
 
Upang maiwasan ang paglaganap ng nabanggit na sakit, nagsagawa ang CHO ng masterlisting at catch up immunization program upang masiguro na mabakunahan ang lahat ng mga sanggol laban sa pertussis.
 
Pinayuhan naman ang lahat na palakasin ang immune system upang maiwasan ang nabanggit na sakit sa pamamagitan ng pagkain ng masustansyang pagkain, pag-eehersisyo at pagkakaroon ng healthy lifestyle. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas ulat mula sa PIO Batangas City)
 

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch