No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

8 employers sa Daet, pinaalalahan ng ligal na obligasyon sa mga manggagawa

DAET, Camarines Norte (PIA) -- Walong (8) employers sa bayan ng Daet ang pinaalalahanan ng Social Security System (SSS) Daet Branch hinggil sa kanilang legal obligations sa kanilang mga manggagawa.

Sa isinagawang Relief Afforded to Challenged Employers (RACE) nitong Abril 16 ng SSS, binigyan ng show cause order ang walong employers. Kailangan nila itong sagutin sa  loob ng 15 araw matapos nila itong matanggap.

Ayon kay SSS Daet Branch Head Ermina Maria P. Robredo, sa pamamagitan ng RACE, may pagpipilian ang mga employers na itama ang kanilang paglabag sa ilang regulasyon ng ahensiya. Kasunod nito, ipinaalala rin sa mga employers ang mga legal obligation para matanggap ng mga empleyado ang benepisyo na nararapat sa kanila.

Ang mga employer ay mayroong opsyon na mag-avail ng contribution penalty condonation, delinquency management at restructuring program.

Kaugnay nito, iniulat ni Atty. Ma. Charissa O. Velasco, Attorney III-Luzon Bicol Legal Department ng SSS na 496 ang naisyuhan ng demand letter noong 2023;  390 dito ang nagcomply o tumugon na mga employers, 44 naman ang nasampahan ng kaso at 28 ang nagbayad ng kabuuan.

Ngayong taon sa unang kwarter, 253 ang naisyuhan ng demand letter, 11 ang nasampahan ng kaso at 6  ang nagcomply.

Sa rehiyong Bikol, isa ang SSS Daet Branch sa may mataas na achievement pagdating sa RACE na may 85% compliance o may nakolektang umaabot sa P1.3 milyon sa taong 2022-2023.

Layunin ng RACE na paigtingin ang koleksiyon ng SSS sa mga employer na nakalimutan ang kanilang obligasyon at dapat rin maintindihan nila na dapat tinutugunan nila ito.

Ang sorpresang inspeksyon ng SSS RACE ay naglalayong ipaalala sa mga employers ang kanilang mga obligasyon tulad ng pagpaparehistro ng negosyo, pag-uulat ng mga empleyado at tamang kontribusyon batay sa SSS Act of 2018 o RA 11199.

Ang pagbisita ng Relief Afforded to Challenged Employers (RACE) Team ng Social Security System (SSS) sa mga employers sa bayan ng Daet upang paalalahanan sila sa mga legal obligation para sa kanilang mga manggagawa. (PIA5/ Camarines Norte)

Target ng RACE ngayong taon na bisitahin ang 12 mga employers sa Camarines Norte  upang bigyan sila ng option na ayusin ang mga obligasyon sa SSS para sa kanilang mga empleyado o manggagawa. (PIA5/ Camarines Norte)

About the Author

Reyjun Villamonte

Job Order

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch