No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PHO, PDOHO muling ipinaalala ang kahalagahan ng bakuna sa Pertussis

Ipinapaalala ng Provincial Health Office at Provincial Department of Health na ang bakuna ay proteksyon ng mga bata laban sa malubhang sakit. Ang mga larawan ay mula sa Municipal Health Office ng Paluan at Mamburao. (VND/PIA OccMDo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Muling pinaalalahanan ng Provincial Health Office (PHO) at Provincial Department of Health (PDOHO) ang mga magulang na pabakunahan ng tama ang kanilang mga anak upang matiyak ang kaligtasan sa mga sakit, lalo na ang laganap ngayon na Pertussis.

Sa ginanap na Kapihan sa PIA Occidental Mindoro, tinalakay nina Dr. Rommel Blando ng Occidental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) at Lailani Shiela Abeleda ng PHO ang kasalukuyang lagay ng probinsya sa kaso ng Pertussis na tinatawag ding ‘ubong-dalahit’ o whooping cough.

Nakamamatay ang nabanggit na respiratory disease na ayon kay Dr. Blando ay impeksyon na dulot ng Bordetella pertussis bacteria. Lubha aniya itong nakahahawa at naililipat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahin.

Sinabi pa ni Dr. Blando na mabilis ang pagkalat ng Pertussis at higit itong mapanganib sa mga sanggol at bata na hindi pa nakakatanggap ng Pentavalent vaccine na siyang mabisang proteksyon laban sa whooping cough. Ang bakunang ito, na ibinibigay ng libre sa mga Rural Health Unit (RHU), ay panlaban sa Diphtheria, Pertussis at Tetanus (DPT).

Kaugnay nito, ipinanukala ni Dr. Blando ang herd immunity para mas epektibong malabanan ang anumang sakit, kabilang na ang Pertussis. Makakamit aniya ang ganitong immunity kung mababakunahan ang nasa 95% - 100% ng mga batang nasa edad sa buong probinsya. “Kapag may herd immunity, kasamang pinoprotektahan pati ang mga batang hindi pa sapat ang gulang upang bakunahan,” saad ni Blando.

Sa pinakahuling datos ng PHO, higit 85% pa lamang ng mga bata sa buong lalawigan ang naturukan ng pentavalent vaccine. Ayon kay Abeleda, may mga magulang na nananatiling may pangamba sa bakuna. Sa kabila nito, patuloy aniya ang kanilang mga programa hanggang sa barangay upang maipaliwanag ang kabutihan ng routine immunization. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)  

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch