No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

RACE campaign ng SSS, isinagawa sa Batac City

SYUDAD NG LAOAG, Ilocos Norte (PIA) -- Ikinasa muli ng Social Security System - Laoag (SSS) ang kanilang kampanyang Run After Contribution Evaders (RACE) sa labing-isang establisyemento sa Batac City, Ilocos Norte noong Abril 16.


Layunin ng nasabing kampanya na ipaunawa ang mga probisyon na nakasaad sa R.A. 11199 nang maigi at paalalahanan ang mga may-ari ng mga negosyo ang kanilang obligasyon na magbayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado. 

RACE CAMPAIGN. Binisita ng Social Security System-Laoag City Branch ang ilang mga establisyemento sa syudad ng Batac na hindi nakapagsumite ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado. (PIA)

Ang mga nasabing establisyemento ay nabigyan ng abiso mula sa naturang ahensiya. Kabilang dito ang isang aluminum shop, printing shop, at mga kainan.


Sa pagbisita ng SSS, napagalaman nila ang mga rason kung bakit hindi pa sila nakakapagsumite ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado. Ilan sa mga ito ay dahil sa mga problemang pinansyal, wala ang kanilang employer, o inuuna nilang isaayos ang ibang responsibilidad sa mga ibang ahensiya sa gobyerno. 


Ayon kay Richard Raralio, branch manager ng SSS-Laoag, may kabuuang 58 na empleyado ang apektado sa isinagawang RACE mula sa 11 na negosyo. 

“This is a continued effort of the SSS to create awareness sa ating mga employers especially doon sa mga employers natin na hindi masyadong updated sa kanilang pag-report ng kanilang employees and at the same time, yung payment ng kanilang contributions," saad ni Raralio sa ginanap na press briefing matapos ang pagbisita sa mga negosyo.

Ang mga nasabing negosyo ay nabigyan ng 15 araw upang ayusin ang kanilang obligasyon upang hindi na umabot pa sa korte.


Maaaring i-avail ng mga employer ang mga programa ng SSS upang mas mapagaan ang kanilang pagbayad ng obligasyon. Ang mga nasabing programa ay katulad ng "contribution penalty condonation" at "delinquency management and restructuring program."


Hangad ng ahensya na maipagpatuloy ang aktibidad ito sa mga sumusunod na buwan. (JCR/MJTAB/GGA PIA Ilocos Norte)

About the Author

Ma. Joreina Therese Blanco

Writer

Region 1

Ma. Joreina Therese A. Blanco is an Information Officer II of the Philippine Information Agency Ilocos Norte Information Center based in Laoag City, Ilocos Norte. She is currently the Information Center Manager of PIA Ilocos Norte.

Feedback / Comment

Get in touch