No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

20 laptops, ipinamahagi ng DICT sa mga mag-aaral sa Oriental Mindoro

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Dahil na rin sa kahilingan ng mga mag-aaral ng Community Vocational High School (CVHS) Bayanan 2 Campus sa lungsod na ito na sila ay maging bahagi ng Project CLICK o Courses for Literacy on Internet and Computer Knowledge, namahagi ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng 20 notebook laptop upang magamit ang mga ito sa pagsasanay.

Sinabi ni DICT Oriental Mindoro Provincial Officer Engr. Norly Tabo, kumatawan kay DICT Regional Director Cheryl C. Ortega na, “Malaki ang maitutulong ng laptop sa mga estudyante, gayundin sa mga non-teaching personnel ng CVHS upang mapalawak pa ang kanilang kaalaman sa larangan ng digital literacy at pagsasanay sa cyber hygiene.”

Dagdag pa ni Tabo, ang Project CLICK ang siyang magbibigay ng mga tamang pagsasanay at sapat na digital tools upang mapakinabangan ng mga benepisyaryo ang ipinagkakaloob na kakayahan na kanilang inaalok.

Bawat isa ay nagkakahalaga ng P32,500 para sa kabuuang P650,000 ang isang 14” laptop unit na may built-in camera, storage na 512 GB SATA, memory na 8GB RAM, wireless mouse at headphones.

Nilagdaan nina (kaliwa pa kanan) DICT Provincial Officer Engr. Norly Tabo, kinatawan ng unang distrito ng lalawigan sa kongreso Arnan C. Panaligan, Roxanne Datinguinoo ng DepEd Calapan City at punong guro ng CVHS Delia L. Enriquez, ang Deed of Donation kaugnay sa ipinagkaloob ng DICT na 20 laptop para magamit ng mga mag-aaral ng CVHS. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)

Samantala, lumagda sa Deed of Donation para sa pamimigay ng nasabing aparato ang kinatawan ng DICT na si Engr. Tabo at ang punong guro ng CVHS na si Delia L. Enriquez na siyang tumanggap sa mga laptop at ang mga saksi na sina Cong. Arnan C. Panaligan ng unang distrito ng lalawigan at kumatawan sa Department of Education (DepEd) na si Roxanne Asilo-Datinguinoo.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga guro at mag-aaral ng naturang paaralan at ilang opisyales ng Barangay Bayanan 2. (DN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch