BOAC, Marinduque (PIA) -- Halos doble ang naging pagtaas ng bilang ng mga turistang bumisita sa probinsya ng Marinduque sa unang quarter ng taong 2024, ayon kay Rino Labay, hepe ng Provincial Tourism and Cultural Office.
Ayon kay Labay, base sa datos na nagmula sa mga accomodation establishment, pumalo sa 16,319 ang kabuuang bilang ng mga turistang nagtungo sa lalawigan simula noong Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon higit na mataas ng 78.33 porsiyento kumpara sa bilang na naitala sa kaparehas na mga buwan noong 2023 na mayroon lamang na 9,151 turista.
Aniya, malinaw na pinapakita ng datos na parami nang parami ang mga manlalakbay na pinipiling manatili at tamasahin ang tahimik na kagandahan at mainit na mabuting pakikitungo na iniaalok ng Marinduque.
Malaki rin ang itinaas ng bilang ng mga day visitor at mga indibidwal na bumisita sa iba't ibang pook-pasyalan sa buong probinsya kung saan ay umabot ang bilang sa kabuuang 74,722 kumpara noong 2023 na mayroong lamang na bilang na 31,241.