No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

SSS RACE program sa Puerto Princesa, pinangunahan ni Commissioner Julio

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) -- Pinangunahan ni Social Security System Commissioner for SSS-Workers’ Group Jose C. Julio ang isinagawang Run After Contribution Evaders (RACE) sa lungsod ng Puerto Princesa kamakailan.

Kasama nito sina Vice President for Operations Legal Services Division 1 and 2 Atty. Renato S. Cuisia, Acting Head SSS-South Luzon 1 Legal Department Atty. Noel R. Papares, Acting Head SSS-South Luzon 2 Atty. Alejandre T. Diaz at SSS-Puerto Princesa Branch Head Abdultalib A. Abirin.

Matatandaan na nitong buwan ng Abril ay inanunsiyo ng SSS Puerto Princesa City Branch na regular na nilang isasagawa ang RACE sa Palawan kada buwan.

Para sa buwan ng Mayo, isinagawa ito nito lamang Mayo 8 kung saan anim na establisyemento sa lungsod ang nabigyan ng show cause order o notice of violation.

Ipinaliwanag ni Cuisia sa mga may-ari ng establisyemento ang kanilang paglabag kaugnay sa Republic Act 11199 at kung papaano nila ito maaayos sa pamamagitan ng mga programang ibinibigay ng SSS. Binigyan ang mga ito ng labinlimang araw upang tuparin ang nasabing kautusan.

Bago nagsimula ang RACE ay nagkaroon muna ng press conference kung saan sinabi ni Julio na kaya isinasagawa ang RACE ay upang paalalahanan ang mga employers na tumupad sa kanilang mga obligasyon sa SSS para sa kaayusan ng kanilang mga empleyado.

“As part of the Social Security Commission, isa sa mga commitment ng SSS ay ang pagsiguro sa lahat ng Pilipino sa labor sector na nakakaaccess ang mga ito sa mga benepisyo na inooffer ng SSS kung mayroong emergency,” pahayag niya.

Ayon pa kay Julio, ang mga benepisyong ito ay ang retirement benefits, death benefits, maternity benefits, disability benefits, funeral benefits, sickness benefits at employment benefits.

Sinabi pa nito na ang alay ng SSS para sa mga manggagawa ay serbisyong mapagkakatiwalaan at proteksyong maaasahan.

Umabot na sa 99 establisyemento sa Palawan ang nabigyan ng show cause orders sa pamamagitan ng RACE campaign simula noong taong 2022 hanggang sa kasalukuyan.

“As part of the Social Security Commission, isa sa mga commitment ng SSS ay ang pagsegarado sa lahat ng Pilipino sa labor sector na nakaka-access ang mga ito sa mga benepisyo na ino-offer ng SSS kung mayroong emergency,” pahayag ni Commissioner Julio sa press conference ng RACE nito lamang Mayo 8. (LArawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ayon naman kay Abirin, sa nasabing bilang ay 32 dito ang full compliant, tatlo ang nag-installment proposal, 11 naman ang nag-partial payment, 10 ang for referral sa kanilang legal department at lima naman ang nai-refer na. Ang naitalang paglabag ng mga establisyementong isinailalim sa RACE ay ang non-remittance, non-registration at non-production. (OCJ/PIA MIMAROPA - Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch