No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

P1.4 M agri intervention, ipinagkaloob ng DA Mimaropa sa mga katutubong Mangyan

Nagkakahalaga ng P1.4 milyon na agri-interventions ang ipinagkaloob ng DA Mimaropa sa mga katutubo ng Brgy. Ligaya, Sablayan. (Larawan mula sa DA Mimaropa at MAO Sablayan)

Umabot sa Php1.4 milyong halaga ng agri-interventions ang inihatid ngayong araw ng Department of Agriculture- MIMAROPA (DA-MIMAROPA) sa isinagawang Serbisyo Caravan sa Tagmaran Mangyan Taobuid Administrative Unit, Sablayan, Occidental Mindoro.

Ang mga interbensiyon ay ang 200 sako ng hybrid rice seeds na nagkakahalaga ng P1 milyon; dalawang yunit ng pump at engine para sa patubig na nagkakahalaga ng P200,000; 2,020 pakete ng iba’t ibang klase ng binhing gulay na nagkakahalaga ng P105,300; 20 sako ng hybrid na binhi ng mais na nagkakahalaga ng P109,980.

Bukod dito, nagkaroon din ng pagpapatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) para sa mga kapatid na katutubo katuwang ang Municipal Agriculture Office.

Ang Serbisyo Caravan ay isang programa sa ilalim ng Executive Order No. 70 o ang Whole-of-Nation Approach para sa mas inklusibo at mapayapang pag-unlad para sa mga nasa kanayunan.

Ang gawain ay inorganisa ng Lokal na Pamahalan ng Sablayan sa pangunguna ni Mayor Walter “Bong” Marquez at pakikipagtulungan ng tanggapan ni District Representative Leody Tarriela at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na naghatid din ng kanilang pangunahing serbisyo sa mga katutubo ng Brgy. Ligaya, Sablayan.

Sa mensahe ni DA-MIMAROPA Chief-of-Staff Adele Garcia, sinabi niya na ang ahensiya ay handang makinig at tumulong sa ano mang pangangailangan ng komunidad sa larangan ng agrikultura.

Sa pagbabahagi ni Municipal Agriculture Extension Worker John Belamide ay sinabi niyang labis na natuwa ang mga katutubo sa naganap na Serbisyo Caravan. Bukod sa hindi na maglalakbay ng malayo ang mga katutubo para kunin ang kanilang mga pananim, maisasama na ang kanilang pangalan sa RSBSA.

Ang Tagmaran Mangyan Taobuid Administrative Unit ay kinapapalooban ng komunidad ng mga katutubong Mangyan sa Brgy. Ligaya at mayroong 400 na kabahayan. (DA-MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch